Inday Grecil
(Frankie del Rosario)
Saksi ang naulilang sapa
Noong lumisan ka.
Ang kanilang mga balak
Ang nagpaitim sa tubig
Kaya't doo'y di ka na nakapaglaro.
Tumakbo kang papalayo sa sapa
Pabalik sa nira-ratrat na dampa.
Nag-alala ka.
Di mo nabatid,
Wala na roon ang iyong ama't ina
Wala na rin doon ang iyong mga kapatid.
Di mo na sila naabot ng iyong yakap.
Di na rin nila nayugyog ang iyong
pag-aalala.
Sapagkat bumaon sa lupa
ang iyong mga yapak.
habang ang mga punglo
ay humagibis sa iyong siko
at ang isa'y dumurog
sa mura mong bungo.
Inday Grecil,
Noong bago ka tuluyang paslangin,
Walang nakarinig sa impit mong daing
Maliban sa kanila.
Sila na may maitim na balak,
Mga berdugong nag-piyesta sa iyong bangkay
Isang ripple ng M-16
na halos kasing-taas mo
Ang sa iyo'y pilit pina-angkin
Upang ituro ka bilang salarin.
Inday Grecil,
Kung sakali mang dumaing ka
Bago ang bungo mo'y pasabugin
Walang nakarinig sa impit mong daing
Maliban sa kanila.
Ngunit, ayaw nilang mabuhay ka.
Dahil saksi ka laban sa kanila
mga berdugong humihiklas ng hininga
at pumapaslang ng mga pangarap
Ng maraming Ama at Ina
At ng gaya mong bata..
(Si Grecil Buya ay siyam na taong gulang
noong siya ay paslangin ng mga militar
ng 1001st IB ng AFP sa Purok 5, Brgy,
Kahayag New Bataan, Compostela Valley
noong ika 31 ng Marso, 2007. Ilang araw
lang pagkatapos ng kanyang graduation sa
Grade 2 sa Simsemin Elementary School
kung saan siya kinilala bilang isa sa
pinakamahusay na estudyante at most neat.
Ngunit ayon sa militar, siya diumano ay
isang batang-mandirigma na kasapi ng New
People's Army. Patunay nito, ayon sa
militar ang isang M16 na itinutok sa
kanila ni Grecil kaya nila ito binaril.)